Ipinasa na ni outgoing Vice President Leni Robredo kay Senador Risa Hontiveros ang pamumuno sa oposisyon. Si Hontiveros lang ang tanging opposition candidate na nakalusot sa nakaraang May 2022 Senate race.
Inihayag ni Robredo ang paghirang kay Hontiveros bilang lider ng oposisyon matapos ang oath taking ceremony ng senadora na isinagawa sa tanggapan ng pangalawang pangulo sa Quezon City.
"Ikaw na ang aming lider. Nasa likod mo lang kami, tutulong, kung kailan mo kami kailangan. You are now the highest elected official in the opposition," sabi ni Robredo na magtatapos ang termino bilang pangalawang pangulo sa June 30.
"Kampante kami na patuloy mong ipaglalaban kung ano ang mabuting pamamahala, naroon kami na sumusuporta sa iyo. Kami na ang mga sundalo mo," patuloy ni Robredo.
Pinuri ni Robredo si Hontiveros dahil sa pagtulong nito sa mga nangangailangan.
"Yung aking paghanga sa 'yo ay lalo pang dumoble nung ikaw ay nabigyan ng pagkakataon na humawak ng kapangyarihan, from being in Congress hanggang sa pagiging senator. Nagamit mo 'yung posisyon para sa maging boses para sa mga pinakamaliliit," sabi ng pangalawang pangulo.
Nagsilbi si Hontiveros na Akbayan party-list representative sa Kongreso ng dalawang termino mula 2004 hanggang 2010. Sumabak siya noong 2010 at 2013 elections bilang senador pero natalo.
Pero noong 2016, nanalo na siyang senador at muling nahalal nitong May 2022.
"Lahat kami masaya na ikaw 'yung natitirang humahawak ng ating bandila," ani Robredo.
Sinabi naman ng senadora na ipagpapatuloy niya ang kaniyang adbokasiya at paglaban sa fake news.
"We will help spur economic growth and restore healthcare services disrupted by the pandemic. As promised, we will facilitate and push for increase of budgets for agencies integral to our recovery initiatives. Tuloy pa rin ang ating adbokasiya para sa Healthy Buhay at Hanapbuhay," ani Hontiveros.
"I remain an advocate in protecting our constitutional freedoms and our most basic human rights: freedom of expression, freedom of assembly, freedom of the press. All these are fully guaranteed," dagdag niya.
Babala pa ni Hontiveros, "But we will not tolerate people who bear false information. We will fight back harder, against rumors, lies, propaganda, and fake news. Let me make this even clearer: this is a stern warning to all the dubious characters in the fake news universe: This time, we will not let your reckless disregard for truth slander our democracy—our country— ever again."
Inihayag din niya na mananatili silang matatag sa mabigat na laban na kakaharapi.—FRJ, GMA News