Bagaman bahagyang bumaba ang presyuhan ng krudo sa world market, inaasahan na tataas pa rin ang presyo ng diesel at kerosene sa Pilipinas sa susunod na linggo dulot ng paghina ng halaga ng piso laban sa dolyar, ayon sa isang opisyan ng Department of Energy.

Sa panayam ng Dobol B TV nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Rino Abad, director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, na posibleng "a little more than P1" per liter ang madagdag sa presyo ng diesel.

Maaari naman daw na hindi hihigit sa P1/liter ang maging patong sa kerosene. Inaasahan na kung hindi magkakaroon ng kaunting rollback, posibleng walang magiging paggalaw sa presyo ng gasolina, sabi pa ng opisyal.

Ang paghina ng piso laban sa dolyar ang nakikita ni Abad na isa sa mga dahilan sa magiging bagong presyuhan ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo.

"Ngayong week bumaba ang ating trading prices ng gasoline, diesel at kerosene. Unfortunately, in a matter of five days, halos piso ang itinaas ng ating peso compared to US dollar," paliwanag ni Abad.

"So when we computed, unfortunately, ang ini-expect natin if not baka hindi pa ito magko-cause ng rollback. Pero ang gasolina may chance ng konting rollback o walang adjustment. Yun ang tiningnan natin," dagdag niya.

Nitong Huwebes, natapyasan ng 23 sentimos ang halaga ng piso para magsara ang palitan sa P54.7:$1, ang pinakamahinang halaga ng piso mula noong November 21, 2005. —FRJ, GMA News