Walang koponan na kumuha kay Filipino sensation Kai Sotto para maglaro sa kanilang grupo sa ginanap na 2022 NBA Draft nitong Biyernes (Manila time).
Ang 20-anyos na 7-foot-1 Pinoy bigman sana ang kauna-unahang homegrown Filipino na makapaglalaro sa NBA.
Pero sa dalawang rounds ng rookie draft, walang koponan na kumuha kay Sotto.
Gayunman, may pag-asa pa rin na makapaglaro sa NBA si Sotto kung may koponan na magkakainteres sa kaniya na papirmahin siya ng kontrata kahit sa labas ng ginanap na "draft."
Kabilang sa mga NBA player na hindi napili sa draft pero aktibong naglalaro ngayon sa naturang liga ay sina Christian Wood, Fred VanVleet, at Seth Curry.
Bago sumalang sa draft, naglaro si Sotto sa Australia National Basketball League para sa koponan ng Adelaide 36ers.
Sandali rin siyang sumabak sa NBA G League select team Ignite, pero hindi siya nakapaglaro sa 2021 season.
Naging bahagi rin si Sotto ng Philippine national team sa Clark para sa FIBA Asia Cup Qualifiers noong June 2021. —FRJ, GMA News