Inaprubahan ng National Capital Region Tripartite Wages and Productivity Board (NCR-TWPB) ang dagdag na P1,000 sa buwanang sahod ng mga kasambahay sa Metro Manila.
“Our wage infuses for our kasambahays of additional P1,000 a month, bringing the monthly take home of our kasambahays in NCR to P6,000 a month,” pahayag ni Department of Labor and Employment Director Rolly Francia sa ulat ni Tina Panganiban-Perez sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules.
Tinatayang 200,000 na kasambahay sa Metro Manila ang makikinabang sa dagdag-sahod bunga na rin sa pagmahal sa presyo ng mga bilihin.
“Siyempre po masaya kasi dagdag panggastos din po iyon. Tapos makakatulong din po sa pinapadala kong budget sa Bicol... malaking halaga na ang P1,000 dahil marami ka nang mabibili,” sabi ng kasambahay na si Joanne Del Castillo.
Aminado naman si Labor Secretary Silvestro Bello III na hindi sapat ang P1,000 na taas-sahod.
“In fact, sabi ko nga ‘yung increase to P6,000 eh napakababa pa ‘yon. Kasi sabi ko nga ngayon, nagbabayad na ako ng pitong (kasambahay) eh ‘di ba kasi ‘yung pagkakaroon ng kasambahay is not a necessity. To me, it’s just a luxury eh,” ayon kay Bello.
Isasailalim pa sa pagsusuri ng National Wages and Productivity Commission (NWCP) na magpupulong sa Huwebes ang naturang desisyon ng NCR-TWPB.
Kapag inaprubahan ng NWCP ang desisyon ng NCR-TWPB, ilalathala ito at magkakabisa pagkaraan ng 15 araw.
Sa datos ng Philippines Statistics Authority (PSA), mayroong 1,864,065 private household workers sa buong bansa.
Kamakailan lang, inaprubahan ang P500 hanggang P2,500 na minimum wages sa mga manggagawa depende sa rehiyon. --FRJ, GMA News