Arestado ang limang katao na sangkot umano sa online kalaswaan o paghuhubad sa harap ng computer kapalit ng bayad sa Caloocan City. Nabisto ang ilegal na gawain nang magsumbong ang isa nilang "talent."
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing sinalakay ng Northern Police District - Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa isang cybersex den sa naturang lungsod, at nahuli sa akto si alyas "Lara."
Ayon sa mga awtoridad, naghuhubad at gumagawa ng mga gawaing seksuwal sina Lara at iba pa niyang kasamahan sa harap ng computer, kapalit ng pera mula sa mga banyaga nilang kostumer.
"Pagpasok namin doon, tumambad sa amin 'yung ongoing cybersex activity. Nakahubad 'yung isa nating suspek and then kasama 'yung other gay friends niya, mga suspek din," sabi ni Police Colonel Jynleo Yasay Bautista ng CIDG-NPD.
Nabisto ng mga awtoridad ang ilegal na gawain nang magsumbong ang isa sa mga "talent" umano ng suspek.
"Itong kaibigan niya na ito ay may utang na loob, money sa operator, sa management, at naipilitan siyang pumasok sa ganu'ng online sex activities para makabayad ng utang," sabi ni Bautista.
Inamin ni Lara gumagawa siya ng palabas online nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
"Dahil po sa kahirapan ng buhay. Nagka-jowa po ako ng foreigner tapos tinuruan po ako kung paano kumita sa about porn sites," sabi ni Lara.
Depensa ng suspek, solo lang siya sa raket at hindi umano siya nandadamay. Pero taliwas ito sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya.
Nakadetine na sina Lara at ang apat pa niyang mga kasamahan habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
Hindi na nagbigay ng pahayag ang iba pang suspek.--Jamil Santos/FRJ, GMA News