Nauwi sa barilan ang pagsita ng mga pulis sa isang lalaking umiihi sa tabing-kalsada habang walang suot na face mask.

Iniulat sa Unang Balita nitong Huwes ni James Agustin na napatay ang lalaki matapos umano itong bumunot ng baril nang sitahin ng mga pulis sa Barangay Kristong Hari sa Quezon City dakong 12:30 a.m. nitong Huwebes.

Naabutan daw ng mga pulis na umiihi sa gilid ng kalsada ang lalaki at wala siyang suot na farce mask. Nang sitahin, bumunot daw ito agad ng baril.

Dead on the spot ang lalaki na hindi pa tukoy ang pagkakilanlan.

Kalaunan, nadiskubre ng mga pulis na ang dalang motorsiklo ng lalaki ay nakaw pala.

Kimumpirma ito ng may-ari ng motorsiklo na dumating sa pinangyarihan ng engkwentro.

Ayon sa biktima na inagawan ng motorsiklo, papunta siya sa isang convenience store nang harangin siya ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo at inagaw ang kaniyang sasakyan.

Bukod sa nakaw na motorsiklo, narekober din ng mga pulis mula sa napatay na suspek ang isang revolver.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang isa pang suspek. —LBG, GMA News