Arestado ang isang lalaki matapos umanong gahasain ang isang masahista, at pagnakawan pa umano ng cellphone, at tinangka pang mangikil sa biktima.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na sa kulungan ang bagsak ng lalaki matapos ireklamo ng masahista dahil sa umano'y panggagahasa sa kanya.
Base sa ibestigasyon ng mga pulis, kinontak online ng suspek ang biktima at nangkasundo sila ng isang oras na masahe sa halagang P2,000.
Nagkita raw ang dalawa sa isang motel sa Barangay South Triangle, Quezon City.
Ayon sa biktima, matapos ang dalawang oras na masahe, humingi umano ng "extra service" ang suspek.
Ngunit hindi umano pumayag ang biktima at dun na siya ginahasa ng suspek, at nagbanta pa umano na may mangyayari na hindi maganda sa biktima kung mag-e-eskandalo ito.
Sapilitan pa umanong kinuha ng suspek ang cellphone ng biktima, na agad naman nakapagsumbong sa mga pulis.
Nagtangka pa umano ang suspek na kikilan ang biktima kapalit sa pagbabalik ng cellphone.
Sa paghaharap ng dalawa tanggapan ng pulis, itinanggi ng suspek ang paratang ng biktima laban sa kanya.
"Hindi po totoo na ni-rape ko siya. Trabaho naman talaga niya yun. Hindi lang kami nagkasundo sa bayarin sa kanya, at hindi ko rin po siya pinagnakawan," ayon sa suspek.
Maaaring mahaharap ang suspek sa reklamong rape, robbery, at extortion. —LBG, GMA News