Hindi pa rin sumipot sa ikalawang pagdinig sa Land Transportation Office (LTO) nitong Biyernes ang may-ari ng SUV,  na nasangkot sa pagsagasa sa isang security guard sa Mandaluyong noong Linggo.

Sa tweet ni Glen Juego ng Super Radyo dzBB, sinabing itutuloy na ng LTO committee ang pagbibigay ng rekomendasyon laban sa may-ari ng SUV na kanilang ipadadala sa Office of Assistant Secretary Edgar Galvante.

Hanggang ngayon, hindi pa malinaw kung ang may-ari ng SUV ang siya ring nagmamaneho ng sasakyan na nakabundol at sumagasa sa biktimang si Christian Joseph Floralde.

Nakalabas na ng ospital nitong Huwebes ng gabi si Floralde matapos maratay sa ICU ng ilang araw.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Mandaluyong Police Deputy Chief Police Lieutenant Colonel Marlon Mallorca, na hindi rin nakikipag-ugnayan sa kanila ang suspek.

“Since noong Monday, nagparamdam na po 'yan ng pagsuko, but until now wala pa rin po kaya wala rin po kaming alam or bulag din po kami kung talagang su-surrender siya o hindi,” ayon sa opisyal.

Una rito, sinabi ni Galvante, na maaaring masuspindi o alisan ng driver's license ang may-ari ng SUV. Pero nagpatupad na ng 90 days suspension order ang LTO laban sa may-ari ng SUV.

Bagaman tukoy na ang pagkakakilanlan ng may-ari ng SUV, hindi isinasapubliko ng mga awtoridad kaniyang pagkakakilanlan dahil sa "privacy" law.

Nitong Martes, inihayag ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos, na sinampahan na ng reklamong frustrated murder at abandonment of one's victim ang may-ari ng SUV.

Hinihintay na lang umano ng pulisya ang ilalabas na "warrant" ng korte para maaresto ang suspek.

Nangyari ang insidente noong Linggo sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street sa Mandaluyong City, habang nagmamando ng trapiko ang biktimang si Floralde.

Nang makalabas ng ospital, sinabi ni Floralde na masama pa rin ang loob niya sa driver ng SUV dahil iniwan siya nito.

Inihayag ni Florande na itutuloy niya ang demanda laban sa driver. — FRJ, GMA News