Hindi sumipot sa pagdinig ng Land Transportation Office nitong Martes ang may-ari ng SUV na nakabundol at nakasagasa sa isang security guard na nagmamando ng trapiko sa Mandaluyong.
“Hindi siya dumating," sabi ni LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante sa GMA News Online patungkol sa mag-ari ng SUV na una nang pinadalhan ng show-cause order.
Padadalhan umano muli ng LTO ng final show-cause order ang may-ari ng SUV, ayon sa tweet ni Super Radyo dzBB reporter Glen Juego.
Nitong nakaraang Linggo, nahuli-cam ang pagbundol ng SUV sa security guard na si Christian Joseph Floralde, na nagmamando ng trapik sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis Street sa Mandaluyong City.
Natumba si Floralde matapos mabangga, at pumailalim sa SUV na nagpatuloy sa pag-arangkada at iniwan ang biktima.
Kasalukuyang nasa intensive care unit ng isang ospital ang biktima.
Nitong Lunes, kinumpirma ni Philippine National Police director for operations Police Major General Valeriano de Leon, na nagbigay ng surrender feelers ang may-ari ng SUV.
Sinabi naman ni Mandaluyong City Police chief Police Colonel Gauvin Mel Unos, na sinampahan na ng reklamong frustrated murder at abandonment of one's own victim ang may-ari ng SUV.
Sinuspindi na ng LTO ng 90-araw ang driver's license ng suspek.
Bagaman hindi pa malinaw kung ang nakarehistrong pangalan na may-ari ng sasakyan ang siyang nagmamaneho ng SUV nang mangyari ang insidente, sinabi LTO-National Capital Region director Clarence Guinto, na sa ngayon ay itinuturing nila na ang registered owner ang siya ring nagmamaneho ng SUV na nakasagasa sa biktima. —FRJ, GMA News