Posibleng hindi makumpirma at mapalitan ang ilang opisyal na itinalaga ni outgoing President Rodrigo Duterte matapos na "lampasan" ng Commission on Appointments (CA) ang kanilang "ad interim appointments" nitong Miyerkules.
Kabilang sa mga opisyal na hindi naaprubahan ang appointment matapos mag-adjourn ang CA Committee on Constitutional Commissions ay sina:
- Commission on Audit (COA) Chairperson Rizalina Noval Justol;
- Civil Service Commission Chairperson Karlo Alexei Nograles;
- Commission on Elections Chairperson Saidamen Pangarungan;
- Comelec Commissioner Aimee Torrefranca-Neri; at
- Comelec Commissioner George Erwin Garcia.
Walo lang ang miyembro ng CA panel ang dumalo sa pulong. Kailangan ang siyam na miyembro para magkaroon sila ng "quorum."
Dahil sa hindi naaprubahan ang kanilang kumpirmasyon sa posisyon, tuluyan nang nalampasan ng CA ang pagtalakay sa kanilang mga posisyon. Magtatapos ang sesyon ng 18th Congress sa June 3.
Ito na ang ikalawang beses na nalampasan ang deliberasiyon sa appointment ng limang itinalaga ni Duterte.
Una ay noong May 25, dahil kabilang ang ilang miyembro ng lupon sa binuong National Board of Canvassers (NBOC), na nagbilang ng boto para sa president at vice presidential race nitong nagdaang halalan.
Nitong nakaraang Lunes, ni-reschedule ang pagdinig sa kompirmasyon ng mga opisyal matapos na imungkahi ni Senador Juan Miguel Zubiri, na hayaan na lamang si President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na pumili ng mga susunod na nais nitong mamuno sa mga nakasalang na constitutional bodies.
Ginawang halimbawa ni Zubiri ang nangyari noong February 2016 o sa huling taon ng termino ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na iginiit ng noo'y senador na si Juan Ponce Enrile ang Section 20 ng CA rules on the appointments of officials para sa constitutional offices at miyembro ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa panahong iyon, sinabi ni Zubiri na nabigyan ng CA ng pagkakataon ang papasok na administrasyon ni Duterte na makapamili ng mga nais niyang mamuno sa mga apektado ring posisyon.
Gayunman, tinutulan ni Senador Aquilino Pimentel III ang mungkahi ni Zubiri, at iginiit na dapat na maging indepedyente ang mga hihirangin sa constitutional offices.
"They are actually expected to be independent. I think that word is found in the Constitution as part of the qualifications of the holders of those positions," ani Pimentel.
"So the appointees are independent. So who appoints them should not be a big issue as long as the qualification of independence, probity, integrity, competence are present in the nominee or appointee," patuloy niya.
Ayon kay Pimentel, boboto sana siya sa kompirmasyon nina Justol at Nograles.
Sinabi rin ni Sen. Bong Go, sa isang pahayag na suportado niya ang mga itinalaga ni Duterte.
"The independence of these constitutional commissions is one of the major pillars of our robust democracy. It is necessary that we safeguard such independence at all times," ani Go. —FRJ, GMA News