Sinabi ni Senador Cynthia Villar na hindi na siya interesado na maging pinuno ng Senado sa susunod na Kongreso.
“Wala nang SP race [No more SP race],” saad ni Villar sa ambush interview nitong Miyerkules.
Nagpahayag din siya ng kahandaan na suportahan si Senate Majority Leader Juan Miguel "Migz" Zubiri, na isa rin sa mga napabalitang interesado sa Senate presidency.
Ayon kay Villar, nagkausap na sila ni Zubiri sa pagpupulong ng Commission on Appointments kaninang umaga.
Kung naging pinuno ng Senado, si Villar ang magiging kauna-unahang babaeng Senate President.
Nitong Martes, nakipagkita si President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sa ilang senador, kasama si Zubiri pero wala si Villar.
Natalakay umano sa pulong ang magiging legislative agenda ng susunod na administrasyon. —FRJ, GMA News