Sa halip na buwanan, nais ni incoming Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na gawing isang bagsakan ang pagbibigay ng conditional cash assistance sa mga benepisyado ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program's (4Ps').
Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Martes, ipinaliwanag ni Tulfo na puwedeng magamit ng mga benepisyado ng perang ibibigay sa P4s kung ibibigay ito ng lump sum kasya buwanan.
“Ang plano natin… kung pwede i-lump sum na lang sa isang tao, isang pamilya yung kaniyang 4Ps. Kasi ngayon po tumatanggap ata ng P1200 or P1400 per month. Bakit hindi na lang i-lump sum na for one year? Ito yung P12,000 to P14,000 i-negosyo mo,” paliwanag niya.
“Why not give it as a lump sum para magamit pang kabuhayan o dagdagan pa natin ng livelihood para mas malaki-laki. From P14,000 magiging P19,000 to P20,000 na po yan. Kaya matitigil na ang monthly at makatayo na sila sa sarili nilang mga paa,” sabi pa ni Tulfo, na tiniyak na ipagpapatuloy ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang naturang financial assistance sa mga mahihirap.
Pero paglilinaw ni Tulfo, pag-aaralan pa ng mga eksperto at social workers ang kaniyang mungkahi. Posibleng simulan umano ito sa ilang piling barangay bago ipatupad sa buong bansa sakaling ituloy.
“If it will fail then hindi po natin ipagpapatuloy balik tayo sa 4Ps na every month,” ani Tulfo.
BASAHIN: Lalaki, huli dahil ginawang puhunan sa droga ang ayuda mula sa 4Ps
Una rito, sinabi ni Tulfo na kabilang sa utos ni Marcos sa Gabinete ay unahin ang pagbangon ng bansa mula sa epekto ng coronavirus pandemic.
Kasama naman sa utos umano ni Marcos sa DSWD ay “i-update” ang listahan ng 4Ps beneficiaries at gawing digitalize ang pamamahagi ng ayudang pinansiyal para mapabilis ang proseso.
Ang 4Ps ay isang poverty alleviation program ng pamahalaan na nagkakaloob ng pinansiyal na tulong sa mga mahihirap.
Pero may mga kondisyon na kailangan gawin ang mga benepisyado. Gaya ng buntis na dapat magpa-pre-and post-natal care, at dumalo sa childbirth ng trained professional; ang mga magulang at guardian, dapat dumalo sa family development sessions, na kabilang ang paksa sa responsible parenting, health, and nutrition; ang mga bata na edad 0-5 ay kailangang tumanggap ng regular preventive health check-ups at vaccines; ang mga batang edad 6-14 ay dapat tumanggap ng deworming pills ng dalawang beses isang taon; ang mga batang edad 3-18 ay dapat nag-aaral at mapanatili ang attendance sa 85% ng class days bawat buwan. — FRJ, GMA News