Kahit walang visa, puwede nang bumisita ang mga Pinoy sa Jeju Island at Yangyang sa South Korea simula sa June 1, 2022.
Sa inilabas na anunsiyo ng embassy Korea sa Pilipinas na naka-post sa kanilang Facebook page, sinabing puwedeng manatili ng 30 araw ang mga bibisita sa Jeju Island sa pamamagitan lamang ng direct flights.
Pero hindi papayagan ang mga turistang Pinoy na magtungo sa ibang rehiyon sa labas ng isla.
Ang mga pupunta naman sa Yangyang, dapat sa group tour program sila kumuha ng biyahe.
Mayroong walong designated travel agencies sa listahan at maaaring manatili sa nasabing lugar ng hanggang 15 araw.
Bagaman puwedeng pumunta ang mga Pinoy sa pasyalan sa Gangwon Province at Seoul Metropolitan Area, kailangan na sa Yangyang International Airport pa rin sila sasakay pauwi ng Pilipinas.
Umaasa ang embahada ng Korea na sa pamamagitan ng naturang programa ay mapapaunlad pa ang, “people-to-people exchanges between Korea and the Philippines via tourism.”
Taong 2019 nang ilunsad ng Korean Embassy ang three ways to enter Korea na walang visa. Pero noong Pebrero 4, 2020, kinansela ang visa-free policy sa Jeju Island dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, ipagpapatuloy na rin ng embahada ng South Korean ang pagbibigay ng tourist at iba pang uri ng visa simula sa June 1. — FRJ, GMA News