Patay sa pamamaril sa harap ng inuuwian niyang condominium sa Mandaluyong City ang isang lalaki na may prangkisa umano ng e-sabong. Ang biktima, security officer din umano sa kompanyang Lucky 8 Star Quest, ang e-sabong firm ni Atong Ang.
Ayon sa ulat ni Emil Sumangil sa “24 Oras” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Kenneth Yu.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Yu na bumaba ng kaniyang sasakyan at dumiretso sa harap ng condominium building. Pero bago pa man siya makapasok, pinagbabaril na siya ng salarin na nagmula sa isang nakaparadang sasakyan sa lugar.
Pagbagsak ni Yu, nilapitan pa siya ng gunman at pinaputukan muli bago tumakas sakay ng kotse.
Nangyari ang krimen 12:30 ng madaling araw noong Mayo 1. Kinumpirma ng kanyang drayber sa Mandaluyong PNP ang pagkakakilanlan ng biktima.
Ang drayber ang tumatayong testigo ngayon sa kaso.
Ayon sa drayber ng biktima, galing sila sa Lipa City, Batangas at inihatid niya si Yu sa condominium.
Sinabi naman ng mapagkakatiwalaang source ng GMA News, na nagsisilbi rin umano si Yu na security officer sa Lucky 8 Star Quest, ang e-sabong firm ni Atong Ang.
May mga e-sabong franchise din daw ang biktima.
Tumanggi na munang magbigay ng pahayag si Atty. Raymong Fortun, isa sa mga abogado ni Ang, lalo’t patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa nangyari.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang suspek, at imbestigahan ng Mandaluyong PNP sa motibo sa krimen.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang special investigation task group o SITG-Sabungero sa krimen. Anila, nakausap na nila ang kaanak ng biktima nang iuwi ang labi nito sa Bayugan City, Agusan del Sur.
Pero hindi pa raw nagpaparamdam ang pamilya ni Yu nang imbitahan nila para makipagtulungan sa imbestigasyon.
Patuloy din ang apela ng Criminal Investigation Detection Group-National Capital Region sa sinuman na may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng dalawang persons of interest sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Isa sa kanila ang lalaking nakunan ng CCTV na nagwi-withdraw sa isang ATM machine sa Lipa City, Batangas gamit ang ATM card ng isa sa mga biktima na si Melbert Santos.
Si Santos ay isa sa apat na nawala noong January 14 makaraang magsabong sa Sta. Cruz, Laguna.
“Kung ma-identify po natin ito nag-withdraw, siya po ang magbibigay liwanag dito sa imbestigasyon na ito. Kung bakit po napunta sa kanya ang ATM ng isang biktima,” ayon kay CIDG-NCR chief Police Colonel Randy Glenn Silvio. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News