Sa loob ng susunod na 10 taon, inihayag ng Department of Finance (DOF) na kailangang makalikom ng dagdag na P249 bilyong kita ang susunod na administrasyon para mabayaran ang P3.2 trilyon na dagdag na utang ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic.
“Pursuing the fiscal consolidation and resource mobilization program as proposed will help us continue to spend on socioeconomic programs, maintain our credit ratings, and grow out of our debt,” sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa emailed statement.
“Taking action now is our responsibility to future generations,” dagdag niya.
Ayon sa DOF, naghanda sila ng fiscal consolidation plan para makapangalap ng nasa P284 bilyon na dagdag na kita bawat taon. Hindi pa inilabas ang detalye nito.
Sa pagtatapos ng Marso, umaabot na sa record-high na P12.68 trilyon ang kabuuang utang Pilipinas. Bunsod ito ng ginawang pangungutang para mapondohan ang mga pangangailangan laban sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa officer-in-charge Undersecretary Valery Joy Brion, mayroong tatlong pagpipilian ang incoming administration para mabayaran ang utang— increase borrowing, reduce spending, o raise revenues.
Inihayag ng DOF na ang dalawang unang option ay hindi viable option dahil patataasin nito ang debt-to-GDP level na nasa 63.5%, at makakaapekto sa economic recovery ng bansa.
Sabi ni Brion, ang pinakamagagawa ng susunod ng administrasyon ay “to raise more revenues and improve tax administration, and for the government to channel resources from unnecessary and non-priority expenses to productive spending.”
Ayon kay Dominguez, kailangan ang fiscal consolidation at resources mobilization para matiyak na maipagpapatuloy ang long-term investments sa education, health, infrastructure, at job creation.— FRJ, GMA News