Kinumpirma ng Department of Agriculture (DA) na nagkakaroon ng global shortage sa uri ng potato o patatas na ginagawang french fries.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News “24 Oras,” ang kakulangan ng supply ng inaangkat na patatas ang dahilan kaya may mga fast-food chains at maging ilang restaurant ang limitado na ang paggawa ng naturang pagkain.
“Mas nararamdaman po ‘yan sa mga fast food chains because ‘yung mga chipping potatoes po ang shortage po globally at ‘yan po ay inaangkat din po natin. Tayo po, ang ating mga magsasaka, ang itinatanim po nila ay ‘yung mga table potatoes,” paliwanag ni Agriculture undersecretary Kristine Evangelista.
Inihayag naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na may mga magsasaka na tumigil sa pagtatanim ng gulay na dahilan ng pagbaba rin ng supply ng locally-produced potatoes at pagtaas sa presyo nito.
“‘Yung presyo ng fertilizer 'di ba internationally tumaas, and of course, ‘yung fuel price tumaas. So ‘yung inputs talaga mataas, kaya ‘yung cost eh hindi kaya, hindi nila kaya,” ani SINAG Chairperson Rosendo So.
“We hope na ma-encourage na tulungan ang mga magsasaka dito para at least dito na lang magtanim,” saad niya.
Ang presyo ng local potatoes sa Benguet Trading Post ay nasa P43/kilo — tumaas ng P11 mula sa dating P32/kilo.
Sinabi ng DA, na mas mataas ang presyo nito sa Metro Manila na umaabot ng P70/kilo. — FRJ, GMA News