Patay ang 19 na bata at dalawang guro sa isa na namang mass shooting sa Amerika. Nangyari ito sa isang elementary school sa Texas, at 18-anyos lang ang suspek.
Sa ulat ng Reuters, kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Salvador Ramos, na una umanong pinagbabaril ang kaniyang lola. Nabuhay ang biktima.
Matapos na barilin ang kaniyang lola, tumakas si Ramos sakay ng kotse na bumangga malapit sa Robb Elementary School sa Uvalde, Texas.
Dito na isinagawa ng suspek ang pagmasaker sa mga biktima. Napatay ng mga rumespondeng pulis ang suspek.
Hindi pa malinaw kung bakit ginawa ni Ramos ang naturang krimen.
Sinabi ni Texas Department of Public Safety (DPS) Sergeant Erick Estrada sa CNN, na nakita nila si Ramos na nakasuot ng body armor nang lumabas sa kaniyang sasakyan.
Bitbit ang kaniyang baril, nakipagputukan umano si Ramos sa mga awtoridad at nagawang makapasok sa gusali.
Dahil sa bagong insidente ng mass shooting, nanawagan si US President Joe Biden sa kaniyang mga kababayan na tumindig at labanan ang "politically powerful" US gun lobby. Ito umano ang dahilan kaya hindi maipasa ang mas mahigpit na batas sa pagmamay-ari ng armas.
Inatasan ni Biden na ilagay sa half-staff ang kanilang bandila bilang pagluluksa sa nangyari.
"As a nation, we have to ask, 'When in God's name are we going to stand up to the gun lobby?'" pahayag ni Biden sa telebisyon. Nais niyang ibalik ang "ban" sa assault-style weapons at iba pang "common sense gun laws."
Sampung araw lang ang nakakalipas nang 10 katao naman ang nasawi sa mass shooting sa isang grocery store sa Buffalo, New York.
Naaresto ang suspek na 18-anyos rin.
Ilan pa sa madugong mass shooting na nangyari sa paaralan sa Amerika ay noong 2012 sa Sandy Hook Elementary School sa Connecticut.
Ayon sa ulat, 26 katao ang nasawi sa naturang insidente, kabilang ang 20 batang mag-aaral. Noong 2018, isang dating estudyante ng Marjory Stoneman Douglas High School sa Parkland, Florida, ang namaril at nakapatay ng 17 mag-aaral at guro.—Reuters/FRJ, GMA News