Walang problema kay Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara kung mapunta sa ibang senador ang pamumuno sa hinahawakan niya ngayong Senate finance committee. Pero umaasa siyang igagalang sa susunod na Kongreso ang prinsipyong “equity of the incumbent.”
Inihayag ito ni Angara sa harap ng mga ulat na inaasinta ni Sen. Imee Marcos, kapatid ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang chairmanship ng finance committee.
Ayon kay Angara, nasa desisyon ng mayorya ng mga senador kung anong komite ang mapupunta sa isang mambabatas.
“Sabi ko open naman ako dahil hindi naman... we don’t have an entitlement, wala naman tayong Torrens title sa mga committees natin. But at the end of the day, of course, it has to be acceptable to all of our members. It is not a one-on-one arrangement kumbaga,” paliwanag ni Angara sa virtual Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules.
“It’s something na puwedeng pag-usapan. But at the end of the day it must be agreed upon by all the members of the majority,” patuloy niya.
Pero magiging masaya raw siya kung siya pa rin ang mahihirang na chairman ng finance committee sa papasok na 19th Congress bilang pagrespeto sa tinatawag na “equity of the incumbent.”
“I believe in that (equity of the incumbent) because nare-respeto din ang seniority e. I’ve been nine years in the chamber. Tapos 'yun, it’s a way of instilling order also pagka nirerespeto ‘yon. Kasi 'pag ni-rumble mo ang lahat, marami ang sasama ang loob," ayon kay Angara.
"‘Yung chairmen ng existing committees sasabihin bakit dahil nagpalit lang ng pinuno parang hindi nirespeto 'yung trinabaho natin nu’ng mga nakaraang mga taon,” patuloy niya.
Wala pang tugon si Sen. Marcos tungkol sa naturang usapin ng nabanggit ng komite at pagbibigay prayoridad sa mga nakaupong pinuno ng mga komite.
Sinabi rin ni Angara na kinikilala rin ang prinsipyo ng equity of the incumbent sa Kamara de Representantes, na kung minsan ay may koneksiyon sa kinaanibang partido ng mambabatas.
“It's evolved to such an extent na hindi lang sa tao. Minsan sa partido pa. So in that sense, parang ginagaya natin ‘yung sa ibang bansa. Sa US ‘di ba minsan… that’s seen as a committee belonging to this party. So may ganong aspeto rin ‘yon,” ayon sa senador.
“Pero sa Senate it is a tradition that has been observed over many Congresses. So, I don’t know if the incoming Senate president will observe it. I hope so. I think si Senator Migz [Zubiri] said he will, as much as possible, adhere,” ani Angara.
Iniulat na si Zubiri at sina Sens Cynthia Villar at Sherwin Gatchalian, ang interesado na makuha ang pinakamataas na puwesto sa Senado bilang Senate President sa 19th Congress.
Sa tatlo, tanging si Villar ang hindi re-electionist, at matatapos ang termino niya bilang senador sa 2025. Habang sina Zubiri at Gatchalian, may panibagong anim na taong termino matapos na muling mahalal na senador sa katatapos lang na Eleksyon 2022.
Ayon pa kay Angara, may mga paunang pag-uusap na interesado umano si presumptive senator Loren Legarda na makuha ang posisyon ng Senate president pro tempore, ang ikalawang pinakamataas na puwesto sa Senado.
Habang nagpahayad naman ng interes si re-elected Senator Joel Villanueva na maging Senate majority leader.
Ayon kay Angara, nais niyang amyendahan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law, gayundin ang pension system ng military and uniformed personnel (MUP).
Paliwanag ni Angara, dapat magkaroon ng “safeguard” ang konsumer sa TRAIN Law kapag tumataas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Dapat mayroong safeguard pa rin ‘yon kapag maybe umabot sa—we have to set a number. Once it reaches that, e talagang mabigat sa bulsa. Kailangan siguro ‘yung any increase has to be suspended siguro in the meantime or balik muna sa dati [na rate],” ani Angara.—FRJ, GMA News