Dinakip sa bisa ng arrest warrant sa kasong cyber libel ang newspaper columnist at dating special envoy for public diplomacy to China na si Ramon Tulfo.
Ayon kay Manila Police District (MPD) director Police Brigadier General Leo Francisco, nangyari ang pagdakip kay Tulfo dakong 10:30 a.m., at dinala siya sa tanggapan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMART) sa Manila City Hall.
“He is still in our SMART’s office at City Hall. His case is libel,” sabi ni Francisco sa GMA News Online sa ipinadalang mensahe.
Ayon sa MPD public information office (PIO), mga tauhan ng SMART ang dumakip kay Tulfo.
Sa paunang impormasyon mula sa MPD, sinabing inaresto si Tulfo sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Manila Regional Trial Court Branch 24 Presiding Judge Maria Victoria A. Soriano-Villadolid.
Kaugnay ito sa umano'y paglabag niya sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Bago ang pag-aresto, isang Atty. Lean Cruz, abogado ni dating Justice secretary Vitaliano Aguirre II, ang humingi ng tulong sa MPD para arestuhin si Tulfo.
READ: Aguirre dares Tulfo to file charges over pastillas scheme: 'Samahan pa kita'
Samantala, kinumpirma ni Aguirre sa GMA News Online na "nagtatago" umano si Tulfo kaya ngayon lang naaresto.
“Palagi kasing nagtatago yan e. Ngayon lang na-tiyempuhan. Matagal na 'yang warrant of arrest na 'yan, mga isa, dalawang taon,” anang dating kalihim.
Naglabas umano ng arrest warrant ang korte dahil hindi dumadalo si Tulfo sa mga pagdinig kaugnay sa isinampa niyang kaso.
“Kaya nade-delay yung mga case because of his failure to appear kaya nag-issue ang court ng arrest warrant against him for failure to appear sa mga trial,” dagdag niya.
Ang kaso ay kaugnay umano ng mga alegasyon laban sa kaniya ni Tulfo na may kinalaman siya sa "pastillas" scheme sa Bureau of Immigration noong kalihim pa siya ng DOJ. —FRJ, GMA News