Sinabi ni Senador Sonny Angara na chairmanship ng finance committee na pinamumunuan niya ngayon at hindi ang upuan na Senate President ang nais makuha ni Senador Imee Marcos.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Angara na itinutulak ni Marcos si Sen. Cynthia Villar na maging Senate President sa papasok na 19th Congress.
“Usually, there’s a main protagonist or ‘yon ‘yung mga protagonist mga talagang nagpu-push. Isa doon si Sen. Imee,” ani Angara.
Aminado si Angara na maaaring mahikayat si Marcos ng suporta ng iba nilang kasama dahil sa karanasan nito bilang mambabatas at kapatid ni presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“I would imagine, yes, because as the sister of the president and of course as a colleague na nirerespeto eh, siguro may dating din ‘yun di ba? May impluwensya rin ‘yun,” dagdag ni Angara.
Pero ayon kay Angara, ang suporta niya sa labanan ng pagiging lider ng Senado ay ibibigay niya kay reelectionist Senator Juan Miguel Zubiri.
“He’s very popular among, you know, some of our colleagues. Kami, we have a group, Seatmates, Sen. Nancy Binay, Sen. Joel (Villanueva), Sen. Grace (Poe), so definitely, kami we already promised our support,” anang senador.
Umaasa si Angara na mapag-uusapan nina Zubiri at Villar ang posibleng labanan nila sa puwesto na babakantihin ni Senate President Tito Sotto upang magkaroon muli ng "super majority" sa Senado.
Paglilinaw naman ni Angara, hindi magiging “rubberstamp” ng magiging bagong administrasyon ang Senado kahit pa magkaroon ito muli ng super majority.
“Even if there was a super majority during the Duterte administration, the members had very independent views kasi iba-iba ‘yung pananaw ng bawat senador eh. Iba't-ibang partido, iba't-ibang ideolohiya,” paliwanag niya.
Samantala, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na si reelectionist Sen. Risa Hontiveros ang dapat na humalili sa puwesto niya bilang minority leader.
Si Hontiveros ang tanging kandidato ng oposisyon na nanalo sa Senate race ngayong Eleskyon 2022.
“Those who will not vote for the senate president who will be elected would be considered as part of the minority bloc,” ani Drilon.—FRJ, GMA News