Nasabat ng mga awtoridad ang halos P70,000 halaga ng umano'y shabu mula sa apat na suspek sa Quezon City.
Sa ulat ng Unang Balita ni James Agustin nitong Miyerkules, nahuli pa umano ng mga pulis sa akto ang tatlo sa apat na suspek na bumabatak ng droga.
Isinagawa ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 14 ang buy-bust operation sa Barangay Holy Spirit dakong 1:30 nang madaling-araw nitong Miyerkoles.
Tatlo sa mga naaresto ay mga babae at isa ang lalaki. Naabutan pa umano ng mga operatiba na bumabatak ang tatlong suspek.
Ayon sa ulat, isang linggo nang minanmanan ng mga pulis ang prime suspek na isang kasambahay.
Nakuha mula sa apat na suspek ang 10 gramo ng umano'y sabu na nagkakahalaga ng P68,000.
Itinanggi ng suspek na kasambahay na tulak siya. Nautusan lamang umano siyang bumili kapalit ng P500.
Itinanggi naman ng dalawa sa tatlong naaktuhan na umano'y bumabatak na may nakuha mula sa kanila na shabu.
Mahaharap ang apat sa kasong paglabag sa Comprehesinve Dangerous Drugs Act.
Mga nakumpiskang droga
Ayon sa ulat ni Interior Secretary Eduardo Año sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na umere noong Miyerkoles, may kabuuang P287,767,237.82 halaga ng ilegal na droga ang nakumpiska ng mga awtoridad noong Abril 17 hanggang Abril 25.
Sa panahong ito, nakapagsagawa umano ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 1,030 mga operasyon laban sa ilegal na droga kung saan 1,423 katao ang naaresto.
Sa mga nakumpiskang droga, 39.21 kilograms ang shabu, habang 141.88 kilograms ang marijuana, ani ni Año. —Giselle Ombay/LBG/KG, GMA News