Inihayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Martes na inilabas na nila sa publiko sa 10 milyon piraso ng bagong P1,000 polymer banknotes na ginawa pa sa Australia.

Ayon sa central bank, ang inilabas na salapi ay katumbas ng 0.7% ng tinatayang pinagsamang bilang ng P1,000 paper at polymer banknotes na nasa sirkulasyon.

Pagsapit ng 2023, tinatayang may kabuuang 500 milyong piraso ng polymer banknotes ang inaasahang nasa sirkulasyon kasama ang P1,000 paper banknotes.

Inilabas ng central bank noong Disyembre ang bagong disenyo ng P1,000 polymer note. Idinisenyo ito ng BSP at inaprubahan ng National Historical institute.

Makikita sa disenyo ang Philippine eagle sa harapan, kapalit ng mga bayaning sina Vicente Lim, Josefa Llanes Escoda, at Jose Abad Santos.

Kinuha ng BSP serbisyo ng Reserve Bank of Australia na wholly-owned subsidiary Note Printing Australia sa paggawa ng pera. Ginamit dito ang kaparehong materyales sa pera ng Australia, Canada, Mexico, New Zealand, at United Kingdom.

“BSP Governor Benjamin E. Diokno has repeatedly stated that there will be no demonetization of currently circulating banknotes and coins during his term,” ayon sa pahayag ng BSP.

Una nang sinabi ng BSP na "not for sale" ang bagong P1,000 banknotes na gawa sa polymer. Hindi rin umano dapat magbago ang halaga nito.—FRJ, GMA News