Isasalang na lang sa panayam ng Commision on Elections (Comelec) ang mga kandidato sa halip na ipagpatuloy ang presidential at vice presidential town hall debate format.
Ang pagbabago ay isasagawa matapos na iurong ang nakatakdang debate sana ng mga kandidato sa April 30 at Mayo 1.
"The Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, has announced that the concluding event of the PiliPinas Debates 2022 Series will no longer be Vice-Presidential and Presidential Town Hall Debates," ayon kay Commissioner George Garcia.
"In consideration of the inevitable scheduling conflicts as the candidates approach the homestretch of the campaign period, and as advised by the KBP, the COMELEC will now be adopting a Single Candidate/Team - Panel Interview format," patuloy niya.
Ipapalabas umano ang naturang mga panayam mula sa Mayo 2 hanggang 6.
"All will be entitled to a 1 hr panel interview," ayon kay Garcia. Maaari umanong dumalo ang kandidato sa pamamagitan ng virtual o face to face.
Sa panayam ng GMA News "Unang Balita," sinabi ni Garcia na maaaring gawin ang panayam na one-on-one o kahit may "partner" o "tandem."
Ang KBP ang magiging partner ng Comelec sa harap ng usapin ng Impact Hub Manila, ang partner ng komisyon sa nakaraang mga presidential at vice presidential debates.
Ang town hall debates — ang final debates bago ang eleksiyon sa Mayo 9— ay dapat sanang gagawin sa Abril 23 at 24.
Pero iniurong ito sa Abril 30 at Mayo 1 kasunod ng mga ulat na hindi pa nakompleto ng Impact Hub Manila ang bayad nito sa Sofitel Garden Plaza, ang pinagdausan ng mga debate. —FRJ, GMA News