Puwede nang ituloy ng pamahalaan ang fuel subsidy sa mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan matapos na aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na huwag isama ang programa sa ban sa election spending.
Ang petisyon ay inihain ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para hindi matigil ang pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga tsuper at operator na apektado ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, tuloy ang pamamahagi ng subsidiya pero dapat masunod ang itinakdang mahigpit na panuntunan.
“We granted the petition of the LTFRB as regards to fuel the subsidy program. However, the grant of the petition to LTFRB is subject to the strict implementation of the program by submission of information on how the project will be implemented, the parameters of implementation and specially the specific target beneficiaries on how they will apply to avail of the grant of the programs,” paliwanag ni Garcia sa news briefing nitong Miyerkules.
Sinabi rin ni Garcia na, "Likewise subject to the submission of the different departments that will be implementing the said program of the LTFRB for the DA, DSWD, and such other department have to specifically mention the beneficiaries on how and when project is implemented as well as documentation as to the compliance to the submission before of the implementation report of similar project.”
Itinigil ng LTFRB nitong Lunes ang pamamahagi ng fuel subsidy dahil sa umiiral na public spending ban bunga ng Eleksyon 2022 na nagsimula noong Marso 25 at tatagal hanggang sa Mayo 8, 2022.
Para maipagpatuloy ang pamamahagi ng subsidiya, kinailangan maghain ng petisyon ang LTFRB upang hindi maisama ang naturang programa sa ban.
Ayon kay Garcia, kailangan munang hintayin ng LTFRB ang ilalabas na resolusyon ng Comelec na naglalaman ng ipatutupad na mga patakaran.
“They can immediately implement the program, but they have to wait for our resolution. The announcement is not the resolution…because the resolution will contain the conditions, strict conditions, that the commission deemed necessary for LTFRB to comply,” anang opisyal.
“Hindi ito barya-barya lang. Napakalaking pera ang involve at the same time may mga ibang agencies and department that will be implementing this project,” sabi pa ni Garcia.
--FRJ, GMA News