Posible umanong manatili ang Pilipinas sa Alert Level 1 hanggang sa matapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 30, 2022, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.
Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni Duque na pinag-aaralan pa rin naman ang posibilidad na ipatupad ang mas mababang Alert Level 0 pero wala pa raw nabubuong patakaran tungkol dito.
Sa ngayon, nakatuon umano ang atensiyon ng pamahalaan na matulungan ang mga lugar na nasa Alert Level 2 para maibaba na rin sila sa Alert Level 1.
Kabilang sa ginagawang hakbang ang pataasin ang vaccination coverage, lalo na sa mga senior citizen.
"'Yan muna ang ating pagtuunan ng pansin kaysa 'yung pag-usapan na 'yang Alert Level 0. Maayos naman tayo sa Alert Level 1. Tingin ko baka ito ay hanggang sa katapusan na,” pahayag ni Duque.
"Alert Level 1 muna tayo malamang hanggang sa katapusan ng termino ng ating Pangulong Duterte," patuloy niya.
Dati nang sinabi ni Duque na pinag-uusapan pa ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng iba pang government adviser ang mga magiging patakaran kapag ipinatupad ang Alert Level 0.
Nauna nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nakahanda ang mga alkalde sa National Capital Region kung ibababa na sa Alert Level 0 ang rehiyon.
Ipinaliwanag ni Duque na kabilang sa ikinukonsidera sa alert level status ang posibleng mutations ng COVID-19 at hospital utilization rate.
Sa ngayon, dapat pa ring panatilihin umano ang pagsusuot ng face mask dahil mayroon pa ring nahahawahan ng COVID-19.
Sa nakalipas na mga araw, bumaba na ang naitatalang mga bagong kaso ng nahahawahan ng virus na hindi na umaabot sa 1,000 ang daily infection.
“Let us be prudent and let us be guided by data and science through our expert panel. Konting pasensya, but pinag-aaralan po ‘yan. Darating at darating ang panahon na kung kailangan magtanggal ng mask ay bakit naman hindi? Pero sa ngayon, masyadong premature. Masyado pang maaga,” paliwanag ni Duque.
--FRJ, GMA News