Ipinaliwanag ng gobernador ng Nueva Ecija na tulong pinansiyal ng lokal na pamahalaan sa mga tao ang perang ipinamahagi sa campaign rally ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Ayon kay Governor Aurelio "Oyie" Umali, hindi niya maipagpapaliban ang pamamahagi ng tulong pinansiyal kaugnay ng pandemic dahil lamang sa pagdating sa lalawigan para mangampanya nina Marcos, running mate nito na si Davao City Mayor Sara Duterte, at senatoriables ng BBM-Sara UniTeam party.
"Noong bumisita po sa bahay ko si Senator Bongbong Marcos and Mayora Inday Sara, ay naka-schedule na po 'yung aming pagbibigay ng financial assistance sa aming kababayan. Dalawang barangay po naka-schedule and sabi nga natin, tapusin nang maaga dahil darating 'yung bisita natin, mga lunch time..." paliwanag ni Umali sa Usapang Malasakit sa Lipunan na mapapanood sa Facebook nitong Huwebes.
"Since two days na lang ay darating, hindi po namin puwede i-cancel because kukulangin na kami ng araw. 'Yun naman po ay alam nila dahil ang intended rally nila ay sa Talavera, hindi po dito sa bahay ko at hindi po 'yun intended as a rally," patulog niya.
Ginawa ni Umali ang paliwanag matapos lumabas ang mga ulat ng pamimigay sa mga tao ng puting sobre na may laman na P500 matapos ang campaign rally ni Marcos.
"Kasi po napakaraming balita, noong pumasok po rito, noong nakita po ng senatorial candidates ay pinili po nilang pumunta sa stage at mangamusta at bumati dahil sila po ay nasa campaign mode na and kami naman po ay nasa ayuda mode pa rin kami, dahil ang paniniwala ko, this exactly my leadership in this pandemic stage na sa Nueva Ecija di kami titigil," dagdag pa ng gobernador.
Pinuna ni Umali ang mga lumabas na ulat sa media na hindi umano lubos na inalam ang dahilan sa pamamahagi ng sobreng may pera.
"Nagkataon naman itong mga kandidato ng national and local positions, wherever they go sinusundan sila ng mga media, ang mga media yata ngayon eh basta makakuha ng balita maski di i-validate eh ilalabas na nila. Tapos tatawagan ka nila, gusto mo ba magsalita bibigyan ka namin," ani Umali.
"Hindi po pupuwedeng bigyan ako ng 10 seconds o 15 seconds na ano ninyo para masabi side ko, kung may deadline kayo, deadline ninyo 'yun para kayo'y may maibalita. Kami po ang deadline namin sa tao. Magkaiba ho tayo sa focus," patuloy niya.
Isinasagawa umano nila ang pamamahagi ng ayuda bago magsimula ang kampanya para sa mga lokal na kandidato.
"Before March 24 ay doon na po kami hihinto dahil mayroon po kaming paggalang doon sa alituntunin ng Commission on Elections. Kaya relax lang po kayo," patuloy ng gobernador.
Una rito, sinabi ng partido ni Marcos na Partido Federal ng Pilipinas na hindi bahagi ng kanilang patakaran ang naturang pamamahagi ng pera sa kampanya
"Partido Federal ng Pilipinas is a disciplined political party! We abhor such action! That is not a policy in our core values and principles," ayon kay PFP Secretary-General Gen. Thompson Lantion (ret.) sa isang pahayag.—FRJ, GMA News