Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ng nangyaring "pagpapaampon" ng isang inang nalulong sa online sabong sa kaniyang sanggol na anak kapalit ng halagang P45,000.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nakatuon ang pansin ng NBI sa pagkakakilanlan ng isang lalaki na nagbigay umano ng P45,000 sa ina kapalit ng anak nito na walong-buwang-gulang lang.
Hinikayat ni NBI Director Eric Distor ang lalaki na isauli na ang sanggol.
Nangako naman ang ina ng sanggol na isasauli niya ang pera ng lalaki.
"Ibalik mo yan. Ibabalik rin 'yung nagastos mo. Kung hindi hahanapin ka namin," babala ni Distor.
“Nandito ang tunay na ina, umiiyak. Agents hanapin ninyo,” dagdag pa ng opisyal matapos na makabuo ng artist sketch ng lalaking buyer.
May kopya na rin ng CCTV footage ang NBI sa taxi na sinakyan ng ginang pauwi matapos na makipagkita sa lalaki.
Dahil hindi na matandaan ng ginang kung saang fastfood branch sila nagkita ng lalaki, umaasa ang NBI na makatutulong ang taxi driver na maituro kung saan sumakay sa kaniya ang babae.
Kapag nalaman na ito, maghahanap naman ng CCTV ang NBI na maaaring nakakuha ng video nang pagkikita ng ginang at ng lalaki para makita ang tunay nitong hitsura.
“Sana po makipag-tulungan na po siyang ibalik ang anak namin. Ibabalik naman po ang pera. Hindi ko na po gagawin ang ginawa ko po,” pakiusap ng ginang sa NBI.
Una nang sinabi ng ginang na nitong nakaraang Marso 1 nang may maka-chat na interesadong ampunin ang kaniyang anak kapalit ng pera.
Kailangan umano ng ginang ng pera dahil nalubog ito sa utang dahil nalulong sa online sabong.—FRJ, GMA News