Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nagpadala sila ng demand letter noong nakaraang taon sa pamilya ng namayapang si dating Pangulong Ferdinand Marcos tungkol sa utang nila sa buwis na umaabot sa P203.819 bilyon.
Sa sulat na ibinahagi ng partidong Aksyon Demokratiko, sinabi ni BIR commissioner Caesar Dulay na, "BIR did send a written demand to the Marcos heirs on December 02, 2021 regarding their tax liabilities."
Una rito, hiniling ni Aksyon Demokratiko chairman Ernesto Ramel sa BIR na muling igiit sa pamilya Marcos na bayaran ang kanilang utang sa buwis.
Dapat umanong padalhan ng sulat ang pamilya kahit isang beses sa limang taon.
Ginawa ni Dulay ang pagtugon sa sulat ni Ramel ilang araw matapos na itinanggi naman ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang pahayag ng kampo ng mga Marcos na pinag-uusapan pa ang dalawang nabanggit na ahensiya ang naturang obligasyon sa buwis ng pamilya.
"Malinaw na ngayon," sabi ni Ramel sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag.
"Mula sa 1997 Supreme Court ruling GR 120880, sa mga kasagutan ng PCGG at BIR sa aming liham sa usapin ng bayaring estate tax ni Marcos Jr. at ng kanyang pamilya... na ang kampo ni Marcos Jr. ay sinungaling, mahilig talagang gumawa ng istorya, at mag-imbento ng sarili nilang katotohanan," patuloy niya.
Ayon kay Ramel, patuloy umanong iiwasan ni dating Senador Bongbong Marcos Jr, na direktang sagutin ang naturang bilyong-bilyong utang ng pamilya sa BIR.
"Hindi direktang sasagot at alam naming iiwas lang si Marcos Jr. sa mga usaping ito. Pero hindi ninyo malilinlang ang bayan. Wala nang nagawa sa Ilocos Norte bilang gobernador ng siyam na taon at wala pang paggalang sa mga batas. Iyan ba ang dapat ihalal na pangulo?" giit niya.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang tugon ng kampo ng mga Marcos.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Victor Rodriguez, na nakipag-ugnayan ang PCGG sa BIR tungkol sa naturang buwis na sinisingil sa mga Marcos .
Inihayag din ni Rodriguez na ang mga ari-arian na sinasabing may problema sa buwis ay patuloy pang dinidinig.
Tinawag naman ni retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, na katawa-tawa ang pahayag ng kampo ni Marcos na may kasunduan ang BIR at PCGG tungkol sa hinahabol na estate tax sa pamilya.
Iginiit din ni Carpio na pinal na ang desisyon sa naturang kaso batay na rin sa naging pasya ng SC.
Ang daming fake news-- Bongbong
Sa Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, sinabi ni presidential aspirant Bongbong Marcos Jr., na maraming fake news umanong ikinakalat tungkol sa sinasabing ill-gotten wealth ng kanilang pamilya.
"There's a lot of fake news involved there, let's leave it to the lawyers to discuss it because the so-called facts that they quote are not facts at all," pahayag ng dating senador.
Nang tanungin tungkol sa umanong estate tax debt ng kanilang pamilya na umaabot sa P200 bilyon, sinabi ni Marcos na, "they are just presumptions."
"They are not familiar with the cases or they choose not to be familiar with the case so yeah, it’s in the courts," dagdag niya.
Sinabi ni Marcos na susundin niya anuman ang maging pasya ng korte.--FRJ, GMA News