Nagbabala ang Department of Energy (DOE) na posibleng pumalo nang hanggang P86.72 per liter ang presyo ng gasolina at P81.10 naman sa diesel kung patuloy na magmamahal ang krudo sa pandaigdigang merkado.

“This is not just a problem of the executive department. This is a problem of course that will be a problem of all sectors in the government. We have a framework where we have the objective of fair pricing, but still we are unable to do that,” sabi ni Energy Undersecretary Gerardo Erguiza Jr. sa pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong Lunes, kaugnay sa epekto ng Russia-Ukraine crisis sa Pilipinas.

Sampung linggo nang tumataas ang presyo ng krudo sa Pilipinas, at may nakaamba pang mas malakihang taas-presyo sa Martes.

Nitong weekend, naglabas ng pagtaya ang Unioil Petroleum Philippines na ang presyo ng kanilang fuel products sa March 15-21 ay maaaring madagdagan ng P12.20-P12.30 per liter sa diesel, at P6.80-P7.00 per liter sa gasolina.

Nang ipasa ng Kongreso ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) noong 2017 na nagpapataw ng buwis sa mga produktong petrolyo, itinakda ang $80 per barrel na Dubai crude price bilang pamantayan ng krisis sa presyo ng krudo.

Sa probisyon ng nasabing batas, sususpindihin ang pagkuha ng buwis sa mga produktong petrolyo kapag umabot sa $80 per barrel ang presyo ng krudo.

Ngayon, umaabot na sa $120.34 per barrel ang presyo ng krudo. Gayunman, hindi na maipatutupad ang naturang probisyon sa batas dahil napaso na ito nang makompleto na ang paunti-unting ipinataw na singil na buwis sa loob ng tatlong taon.

Ayon kay Erguiza, kung aabot sa Dubai crude oil sa $140 per barrel, posibleng pumalo ang presyo ng gasolina sa local market ng P86.72 per liter, P81.10 per liter sa diesel, at P80.50 per liter sa kerosene.

“The DOE has been strictly monitoring the sufficiency of supply, the quality of what’s being sold in the market… We want to assure the public that our supply is sufficient and what is really the problem is the cost of fuel,” anang opisyal.

Sa taon ito, nasa P13.25 per liter na ang itinaas sa presyo ng gasolina sa bansa, P17.50 per liter sa diesel, at P11.40 per liter sa kerosene, hindi pa kasama ang ipapataw na taas presyo sa Martes. —FRJ, GMA News