Isinama ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pole vaulter na si EJ Obiena sa Team Philippines na sasabak sa 31st Southeast Asian Games. Pagkontra ito sa ginawa ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na umisnab kay Obiena.
Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni POC president Abraham "Bambol" Tolentino, na kabilang ang 26-anyos na pole vaulter sa 654 atleta na kakatawan sa Pilipinas sa biennial meet na gaganapin sa Vietnam sa May 12-23.
Pero hindi pa rin nangangahulugan na awtomatikong makakasali si Obiena sa naturang kompetisyon kaya gagawin daw ng POC ang lahat para makalaban ang Olympian.
“EJ’s name must be there,” giit ni Tolentino. “It’s both frustrating and disappointing if we don’t see EJ setting a new SEA Games record in Hanoi. Logic plays a major role here for the need to include him in the SEA Games list, this is sports and he’s a national sports pride.”
Una rito, hindi isinama ng PATAFA sa listahan ng Pinoy team sa SEAG si Obiena kahit pa pang-lima ang ranggo ng Pinoy pole vaulter sa mundo.
Sa harap ito ng sigalot ni Obiena at PATAFA tungkol sa paggamit ng pondo.
Sinabi ni Tolentino na sumulat ang POC sa World Athletics, ang sport’s world governing body na pinamumunuan ni running legend Sebastian Coe, tungkol sa sitwasyon ni Obiena.
Ayon sa POC, hindi ito ang unang pagkakataon na nanghimasok sila para sa kapakanan ng atleta. Nangyari din daw ito sa kaso ni Asia track queen Lydia de Vega nang hindi isali ang kaniyang pangalan sa national team para sa Asean Cup na ginanap sa Rizal Memorial Stadium noong 1985.
—FRJ, GMA News