Nauwi sa pangangagat ng tenga ang inuman ng tatlong lalaki sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Napingas ang kanang bahagi ng tenga ng 30-anyos na biktima dahil sa pangangagat ng kainuman sa Barangay Culiat. Nadala naman sa ospital ang biktima kung saan tinahi ang kaniyang tenga.
Kinilala ang mga suspek na sina Juanito Gaviola at Rogelio Losorata na pawang mga dayo raw sa lugar.
Ayon sa pulisya, pagkatapos mag-inuman ay nagkayayaan kumain sa isang karinderya ang grupo.
"Habang kumakain sila, yung isang suspek natin nanghingi raw ng sabaw. Ngayon, nababastos daw yung waitress," salaysay ni Police Lieutenant Anthony Dasquel, hepe ng criminal investigation unit.
Pinagsabihan daw ng isa sa kanilang kasamahan si Gaviola na agad nitong ikinagalit.
Ayon naman sa biktima, aawatin lang sana niya ang nagwawalang si Gabiola nang bigla siyang sinuntok nito. Dito na raw siya pinagtulungan ng mga suspek.
Dagdag pa ng hindi pinangalanang biktima, nang hindi tumama ang mga suntok ni Gaviola ay bigla na lang siyang niyakap nito at kinagat sa tenga.
Aminado naman si Gaviola na kinagat niya ang tenga ng biktima. Ginawa lang daw niya ito dahil sinugod at sinuntok siya ng nito -- bagay na itinanggi ng biktima.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong serious physical injury. —KBK, GMA News