Nagmistulang war zone ang isang kalye sa Malabon dahil sa batuhan ng Molotov bomb ng dalawang grupo ng kabataan matapos mag-riot na pinaniniwalaang nag-ugat sa hamunan sa group chat.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nahagip sa CCTV camera ng Barangay Longos nitong Linggo ng madaling araw ang isang kabataan na may hawak sa magkabilang kamay ng bote ng Molotov.

Tumatakbo siya sa gitna ng kalsada, at maya-maya pa ay lumabas naman ang kabilang grupo na mayroon ding dalang Molotov.

Hindi nagtagal, nagliwanag na ang kalsada sa bawat bato nila ng Molotov. May nakita rin sa video na isang lalaki na tila may hawak pa ng patalim.

Ang rumespondeng mga barangay tanod, kamuntik pang tamaan ng ibinatong Molotov.

Walang naarestong sangkot sa riot na sinasabing mga kabataan mula sa Malabon at Caloocan.

Ayon sa pulisya, lagi naman silang nagpapatrolya sa lugar pero tumitiyempo raw ang mga kabataan kapag walang nagbabatay. 

Kaya naman plano na nilang postehan ang lugar kung saan nangyari ang kaguluhan.

Nitong Lunes ng umaga, dalawang kabataan ang inimbitahan sa Barangay hall ng Longos pero itinanggi nilang kasali sila sa riot.

Inamin naman ng isang opisyal ng Barangay 12 sa Caloocan na may mga residente sila na sangkot nga sa gulo.

Ang ilan daw sa mga ito, may record na at nasangkot sa pagnanakaw.

Hinala nila, posibleng gusto lang magpapansin ng mga kabataang sangkot sa naturang gulo.

Plano ngayon ng mga awtoridad na puntahan ang bahay ng mga kabataan na sangkot sa riot para kausapin ang kanilang mga magulang at ipaalala ang posible nilang panagutan sa batas.

Isasailalim din sa counselling ang mga kabataan.

--FRJ, GMA News