Arestado ang isang lalaking hacker umano sa Caloocan City na tinutugis mula pa noong 2017 dahil sa pamemeke ng mga website ng mga bangko para makuha ang detalye ng mga tao at makapagnakaw ng pera.
Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, mapapanood ang pagsalakay ng mga ahente ng National Bureau of Investigation - Cybercrime Division matapos makumpirma na nasa bahay ang suspek na kinilalang si Denmark Crisostomo.
Tumambad sa loob ng bahay ng suspek ang isang desktop na nang suriin ng NBI, naglalaman ng fake websites ng iba't ibang bangko na ginagamit umano sa phishing at cyber fraud.
Kinikilala rin si Crisostomo bilang alyas "Mang Kepweng" sa cyberspace, na pinagmumulan umano ng mga pekeng bank e-mails at gumagawa ng scam page o fake websites na gayang gaya ang mga orihinal na website ng bangko.
"These are fraudulent bank websites that tried to deceive the people na mag-divulge ng kanilang credentials. So when these perpetrators were able to get their credentials meron silang free access sa inyong account. Pwede na po nilang gawin ang gusto nilang gawin, either i-withdraw or i-transfer po sa ibang account na controlled po nila," sabi ni NBI-CCD executive officer Francis Señora.
Isa sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang isang high-end desktop.
Sinabi ng NBI na susuriin nila ang computer para malaman kung sino-sino ang mga tao at mga bangko na tinarget ng suspek sa kaniyang ilegal na operasyon.
"Ako po mismo ang gumagawa... Iba-ibang bangko. Nagse-send lang kami ng random e-mail sa kanila. Kung i-click nila at maglalagay sila ng username, password, doon namin makukuha. P50K ngayon, tapos kinabukasan, P50K ulit," sabi ni Crisostomo.
"Sa mga nabiktima, pasensya na. Nagawa ko lang, kailangan ko rin ng pera eh, mga panggastos."
Nahaharap sa patong-patong na reklamo ang suspek na nakakulong ngayon sa NBI detention facility. — Jamil Santos/VBL, GMA News