Mula sa 31, sinabi ni Senador Ronald "Bato" dela Rosa nitong Biyernes sa pagdinig ng Senado na nadagdagan pa ito ng tatlo.
"Thirty-one lang pala yung allegedly missing persons involved in game fixing but meron pa palang three missing persons ang allegedly involved in cloning accounts," sabi ni dela Rosa sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kaniyang pinamumunuan.
"This brings to a total of 34. Correction po hindi 31, kundi 34 na ang missing persons na recorded by the PNP (Philippine National Police)," paglilinaw ng senador, na dating hepe ng Philippine National Police.
Kinumpirma naman ni Police Brigadier General Eliseo Cruz, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang ibinigay na bilang ni dela Rosa.
Gayunman, sinabi ni Cruz na anim lamang sa mga ito ang hawak ng kaniyang tanggapan.
Kaya naman hiniling ng senador kay Cruz na alamin na rin ang sitwasyon ng iba pang nawawalang sabungero.
Sinabi naman ni Cruz na nakikipag-ugnayan sila sa kinauukulang Police Regional Office.
Una nang ulat, lumilitaw na pinakamarami ang nawawalang sabungero sa Laguna na umabot sa 19, anim sa Maynila, anim sa Batangas, dalawa sa Bulacan at isa ang dinukot sa kaniyang bahay sa San Pablo, Laguna.
Kamakailan lang, dumulog din sa PNP-CIDG si Nilda Calvo upang mahanap ang nawawala niyang mister na si Carlos Alfonso Calvo, 47-anyos, van rental driver.
Ayon kay Nilda, Nobyembre 8, 2021 nang umalis ang kaniyang mister at patungo raw noon sa Batangas at Laguna. Pero mula noon, hindi na ito nakauwi.
Hinala nila, may kaugnayan din sa sabong ang pagkawala ng biktima dahil sabungero umano ang amo nito.
Anggulong panyunyupe o game fixing ang pinaniniwalang motibo sa pagkawala ng mga sabungero. —FRJ, GMA News