Lumilitaw sa imbestigayon ng pulisya na pag-tyope sa manok o dayaan sa sabong ang nakikitang motibo sa pagkawala ng nasa 29 na sabungero. Kung papaano ginagawa ang pag-tyope sa manok, ipinaliwanag ng isang handler ng manok na panabong.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng handler ng manok na itinago sa pangalang "Bruno," na natutunan na niya ang iba't ibang estilo sa dayaan sa sabungan sa tagal niya sa pagsasabong na umaabot na sa 20 taon.
Isa sa paraan umano ng pandaraya ay pagbebenta ng laban o "panyonyope" kung saan ipapatalo ng sabungero ang ilalaban niyang manok.
Ang naturang sabungero, tataya naman sa manok ng kaniyang kalaban, na siyang pananalunin.
"Easy money" raw sa sabungero ang panyonyope, ayon kay Bruno.
Kabilang sa mga paraan para maging tyope umano ang manok ay pupurgahin ang isasabong na manok bago ang laban para manghina.
Nanghihina rin umano ang manok at inaantok kapag pinaliguan ito at pagkatapos ay ibo- blower bago ang laban.
May pagkakataon din umano na iniiba ang ayos ng tari o ang matalas na bagay na inilalagay sa manok para hindi tamaan ang kalaban na manok.
"Kinakabitan nila ng mapurol o kaya inililihis [ang tari]," sabi ni Bruno, sabay paliwanag na hindi ito mapapansin ng referee dahil ang talas lang umano ng tari ang tinitingnan nito.
Ayon sa PNP-CIDG na nagsasagawa ng imbestigasyon, ang panyonyope o laglagan ng laban ang lumilitaw na motibo sa pagkawala ng nasa 29 na sabungero.
"Sa tingin ko sila-sila nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan na nagudulot ng kung anuman," sabi ni Police Major General Albert Ferro, Director, PNP-CIDG.
Ngunit duda rito ang ilang kaanak ng nawawalang sabungero. Hinala ng kapatid ng nawawalang si Ricardo Lasco, isang master agent sa online sabungan, posibleng isang organisadong grupo ang nasa likod ng mga pangyayari.
Si Lasco ay kinuha ng mga armadong lalaki sa kaniyang bahay sa Laguna noong Agosto 2021 at mula noon ay hindi na nakita.
Pero ang ibang sabungero, nawala matapos na magpaalam na magpupunta sa sabungan.
Bukod sa pulisya, papasok na rin ang National Bureau of Investigation sa pagkawala ng mga sabungero.
Magsasagawa rin ng sariling pagdinig tungkol sa usapin ang Senado. --FRJ, GMA News