Tiniyak ng tagapagsalita ng Commission on Elections (Comelec) na papalitan ang ilaw sa kanilang gusali sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila matapos itong "makulayan" ng pulitika.

Ayon kay Comelec spokesman Director James Jimenez, mayroong pumansin sa kulay pula at berde ng ilaw sa gusali.

Ang nabanggit na kulay ang campaign colors na ginagamit nina presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at running mate niyang si Davao City Mayor Sara Duterte.

Paliwanag ni Jimenez, walang kinalaman ang Comelec sa naturang kulay at nirerentahan lamang nila ang gusali.

"Palacio del Gobernador is not a Comelec building, nagrerenta lang po kami dito," ani Jimenez.

"Pero [the concern] has been brought to our attention by a netizen and we felt that's something we could do right away. So nakikipag-coordinate po kami sa Intramuros administration and I think they have consent to changing the lights. It's nothing [no big deal]," dagdag pa niya.

Nang tanungin si Jimenez kung ano ang ipapalit na kulay sa ilaw, tugon ng opisyal, "Hindi ko alam but they're gonna take down the Christmas colors."

Sa Twitter, hiniling ng investigative journalist na si Raissa Robles ang Comelec na ipaliwanag ang naturang kulay ng ilaw sa gusali.

 

 

Tumugon si Jimenez sa naturang tweet at sinabi nito na: "The COMELEC is a tenant in that building, which is under the management of Office of the President. I have been told that the building’s administration is planning to swap out these ones for differently colored lights."  —FRJ, GMA News