Nagbitiw bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) si Roy Cimatu matapos ang halos limang taon na panunungkulan sa kagawaran.
Kinumpirma ni Cimatu sa GMA News Online sa text message nitong Biyernes ang kaniyang pagbibitiw.
Sinabi niyang “health reasons” ang dahilan sa pag-alis niya sa DENR, halos apat na buwan na lang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na June 30.
Itinalagang officer-in-charge sa DENR si Undersecretary Jim Sampulna, “until a replacement is appointed or until otherwise directed by this Office,” ayon sa memorandum mula sa Tanggapan ng Pangulo na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Itinalaga ni Duterte si Cimatu na kalihim ng DENR noong May 2017, kapalit ng namayapang si Gina Lopez, na bigong makalusot noon ang kompirmasyon sa Commission on Appointments.
Bago nito, naging Armed Forces chief din si Cimatu mula May hanggang September 2002, at special envoy to the Middle East noong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
DENR Usec. Antiporda, lipat sa NIA
Samantala, itinalaga naman ni Duterte si DENR Undersecretary Benny Antiporda bilang Senior Deputy Administrator ng National Irrigation Administration (NIA).
Sa pahayag, sinabi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na pinalitan ni Antiporda sa NIA si Abraham Bagasin.
"We wish Senior Deputy Administrator Antiporda success in NIA, as it advances the government's national irrigation program towards growth in the agriculture sector," ani Nograles.
Bago maitalaga sa NIA, nagsilbi si Antiporda bilang Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units (LGU) Concerns and National Solid Waste Management Commission Alternate Chair ng DENR.— FRJ, GMA News