Humiling na umano ang Department of Transportation (DOTr) sa Department of Budget and Management (DBM) ng pondo para ibigay na ayuda sa mga driver ng mga pampublikong sasakayan sa harap ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na nakasaad sa kahilingan ng DOTr sa DBM, ang tinatayang 377,443 na benepisaryo para sa fuel subsidy na nakakahalaga ng tig-P6,500 o kabuuang P2.45 bilyong pondo.

“Bukod sa franchise grantees na traditional at modern PUV, isasama na rin ang Public Utility Bus (PUB), Minibus, Taxi, UV Express, Transport Network Vehicle Service (TNVS), Tourist Transport Service (TTS), maging ang mga tricycle na pinangangasiwaan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Delivery Services sa Department of Trade and industry (DTI) at Department of Communications and Technology (DICT),” ayon sa LTFRB

Ginawa ng LTFRB ang pahayag matapos hilingin ni Senador Grace Poe sa gobyerno na maglabas ng fuel subsidy para sa PUV drivers sa ilalim ng 2022 national budget para matulungan ang mga ito sa bigat ng mahal na presyo ng produktong petrolyo.

“Simula noong naipasa ang pondo ng gobyerno sa ilalim ng GAA [General Appropriation Act] 2022, agad nagpulong ang mga opisyal ng LTFRB upang maisaayos ang pagpapatupad ng fuel subsidy program ngayong taon,” sabi nito.

Ayon pa sa LTFRB, hinihintay na lamang ng DOTr na maibigay ng DBM ang pondo.

“Oras na mailabas ito, ibibigay ang nakalaang pera sa programa sa LBP [Land Bank of the Philippines] para mapabilis ang pagbibigay ng subsidiya sa mga benepisaryo,” dagdag nito.

Paliwanag ng LTFRB, may special provision sa fuel subsidy program na nagsasaad na mailalabas lang ang pondo "oras na lumagpas ng $80 per barrel ang average ng Dubai crude oil price sa loob ng tatlong buwan, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS).”

“Sa kabila niyan, handa ang DOTr at LTFRB na ipagpatuloy ang fuel subsidy program na inaasahang sa April 2022 pa muling maipatutupad,” sabi pa ng ahensiya.

—FRJ, GMA News