Nagmamakaawa ang isang ginang sa mga taong kumuha sa kaniyang mister noong nakaraang taon na sabihin kung nasaan ito. Ang biktima, tinangay ng mga armadong lalaki mula sa kanilang bahay sa San Pablo, Laguna.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing Agosto 30, 2021, nang dumating sa bahay ng biktimang si Ricardo “Jonjon” Lasco sa Barangay San Lucas, San Pablo sa Laguna, ang mga armadong lalaki.
Makikita sa kuha ng CCTV na bitbit na ng mga armadong lalaki si Lasco nang lumabas ng bahay. May dala rin ang mga lalaki ng isang kahon na naglalaman umano ng mga alahas at pera ng pamilya.
Hanggang ngayon, hindi pa rin nakikita si Lasco.
“Parang awa niyo na, maawa po kayo napapanood po ito ng mga kumuha sa bahay namin, maawa kayo. Hindi Diyos ang kumuha ng buhay ng asawa ko, kung hindi kayo po, magkaroon po kayo ng konsensya,” umiiyak na pakiusap ni Princess Montanes-Lasco, asawa ng biktima.
Ayon sa mga kaanak, breeder ng manok si Lasco at isang "master agent" o humahawak ng patayaan sa online sabong.
Nitong Martes, nagsagawa ng vigil sa harap ng tanggapan ng Commission on Human Rights (CHR) ang ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero na umaabot na umano sa mahigit 20.
Nakiusap din sila na ilabas na ang nawawala nilang mga mahal sa buhay na hindi na nila nakita makaraang magpaalam na pupunta lang sa magkakaibang sabungan.
Humihingi naman ng paumanhin ang binuong special investigation task group ng PNP-CIDG sa mga kaanak ng nawawalang mga sabungero kung nababagalan sila sa kanilang imbestigasyon.
Ayon kay Police Major General Albert Ferro, director ng PNP-CIDG, isa sa posibleng dahilan ng pagkawala ng mga sabungero ay ang tinatawag na "doublecross" sa laban.
“Dito po yung tinatawag na doublecross sa labanan. Ang tawag sa term ng sabungero ay ‘tsope.’ Pinapanalo nila yung hindi naman dapat manalo, para kumita sila at doon sila pupusta sa mananalo,” sabi ni Ferro.
“Sa tingin ko, sila-sila nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan, na nagdulot ng kung anuman,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng pulisya na mayroon na silang persons of interest sa pagkawala ng mga sabungero na ang iba ay taga-Bulacan, Rizal at Laguna. —FRJ, GMA News