Kaagad na nasawi ang isang rider matapos na sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang pick-up truck na pa-U-turn sa Quezon Avenue sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dakong 1:00 a.m.

Sa lakas ng pagsalpok ng motorsiklo, nayupi ang gilid sa bandang harapan ng pick-up truck.

Ayon sa driver ng pick-up truck na si Charlemagne Lim, mabilis ang takbo ng motorsiklo.

"Nakita ko malayo na may headlight, sobrang layo niya. Pag-U-turn ko, nagtuloy-tuloy siya. Ang akala ko iiwasan niya ako. Sobrang bilis," ayon kay Lim.

Ayon sa isang tauhan ng barangay, nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo ang rider na dahilan ng kaniyang agad na pagkasawi.

Wala rin umanong helmet ang rider at may dalang mga pagkain.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. --FRJ, GMA News