Nakapagtala ang Pilipinas ng mas mababang mga bagong kaso ng COVID-19 ngayon Lunes na umabot sa 14,546. Ang mga aktibong kaso ng virus, hindi na umabot sa 200,000.
Sa datos ng Department of Health (DOH), sinabing 10,203 o 70% ng mga bagong kaso ay nangyari mula January 18 hanggang January 31, 2022.
Ang mga nangungunang rehiyon na may pinakamaraming mga bagong kaso sa nakaraang dalawang linggo ay Davao Region (1,381 o 14%), sunod ang Metro Manila (1,053 o 10%) at Central Visayas (973 o 10%).
Bumaba naman sa 190,818 ang mga aktibong kaso o mga pasyenteng ginagamot at mga nagpapagaling pa.
Nitong Linggo, nakapagtala ang DOH ng 202,864 ng mga active cases, habang 16,953 naman ang mga bagong kaso.
Sa nasabing bilang ng mga aktibong kaso nitong Lunes, 8,239 ang asymptomatic cases, 177,584 ang mild, 3,126 ang moderate, 1,540 ang severe at 329 ang kritikal ang kalagayan.
Nasa 28.4% positivity rate sa 52,013 na isinagawang COVID-19 tests.
Umabot naman sa 26,500 ang mga bagong gumaling, habang 112 ang nadagdag sa mga pasyenteng pumanaw.
Ayon sa DOH, tatlong laboratoryo ang hindi nakapagsumite sa takdang oras ng kanilang datos sa COVID-19 Document Repository System.— FRJ, GMA News