Naimbento ng apat na estudyante ang isang walis de padyak bilang kanilang thesis project para mapadali ang paglilinis ng mga street sweeper. Ang mga mag-aaral, hinangaan ng Metropolitan Manila Development Authority.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mapapanood sa video ni Louise Altez ang pagkawalis ng mga kalat sa kaunting pagpadyak lamang sa pedal-operated road sweeper, na ginawa ng graduating mechanical engineering students ng Technological Institute of the Philippines Quezon City (TIP-QC).
Ayon kina Louise Altez, Dennis Sagurit, Ceejei Amurao at Jasper Gumayagay, inspirasyon nila ang mga street sweeper na madalas nilang nakikita sa mga kalsada.
"Napansin namin mga matatanda na rin 'yung ibang street sweepers, at the same time, obviously namang nahihirapan sila lalo sa very polluted areas here in Manila. So napaisip nga po kami, why not help them?" sabi ni Altez.
Binuo nila sa loob ng anim ng buwan ang pedal-operated road sweeper.
"Sa two weeks po na 'yun ng month ng December, tinapos po namin, pinagpuyatan namin para matapos po namin 'yung project," sabi ni Amurao.
Binuo ng mga estudyante ang prototype sa halagang hindi aabot sa P6,000 ng recycled materials.
Patuloy na pinag-aaralan ng mga estudyante kung paano nila mapabubuti at mapagaganda pa ang kanilang proyekto.
Agad namang humanga si MMDA chairman Benhur Abalos nang makita niya ang proyekto, at tinawagan ang isa sa mga estudyante para pag-usapan kung puwede nila itong magamit.
"Napakagaling ng mga bata. 'Yun ang aking impresyon. At sa hanay naman ng MMDA, puwede nating subukan. Puwede nating i-testing, lalong lalo na sa panahon ngayon, napakalaking convenience nito," sabi ni Abalos.
Bukod sa MMDA, may iba pang tumatawag sa mga estudyante na interesado sa kanilang proyekto.
"If there are opportunities, bakit naman po hindi? Kasi it will be a big help din po sa street sweepers at the same time, personally sa amin din po," sabi ni Altez.
--Jamil Santos/FRJ, GMA News