Nagulat din umano ng caretaker ng mga puno ng mangga sa Asingan, Pangasinan nang lumabas ang arrest warrant laban sa 80-anyos na lolo. Pero paglilinaw niya, 10 kaing at hindi lang 10 kilo ang mangga na kinuha ng matanda.
Sa ulat ng Balitang Amianan sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, nakiusap din ang caretaker na si Robert Hong, na itigil na ang mga maling impormasyon tungkol sa kaso ni Leonardo "Lolo Narding" Flores, at mga pagbabanta sa kanila.
Ayon kay Hong, nagulat din siya nang lumabas ang arrest warrant dahil inuurong na niya ang kaso na tatlong beses na ring dininig sa barangay.
Sinabi rin ni Hong na hindi rin si Lolo Narding ang nagtanim ng puno taliwas sa mga naunang lumabas na ulat.
Pansamantala lang daw pinatira noon sa lupain sina Lolo Narding at hindi sila naging caretaker.
Nakahanda naman daw si Lolo Narding na humingi ng paumanhin kay Hong.
Pansamantalang nakalaya si Lolo Narding matapos na may mag-ambagan sa P6,000 niyang pampiyansa.
Nakatakda ang arraignment ni Lolo Narding sa February 8. —FRJ, GMA News