Nasa 90 kilo ng mishandled frozen meat ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isang palengke sa Novaliches, Quezon City. Ang ilan sa mga karne, nakitaan ng uod na gumagapang.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isinagawa ng Quezon City Veterinary Department ang pagsusuri sa mga frozen meat.
Pero sa halip na nasa chiller o freezer, nakatiwangwang lang umano sa puwesto ng tindahan ang mga karne.
Ayon kay Dr. Anna Marie Cabel ng QC Veterinary Department, maputla na ang mga karne dahil ibinababad sa tubig at medyo may amoy na.
Hindi na raw dapat ibinebenta ang naturang mga karne dahil magdudulot ito ng panganib sa kalusugan ng makakakain.
"Magtatae ka, sasakit ang tiyan mo, magsusuka, food poisoning. Yung ang mga kalalabasan kapag nakakain ka ng mga ganun. Tapos may bulate ka pa sa tiyan," ayon Cabel.
Ang nakumpiskang nasa 90 kilo na mishandled frozen meat ay nakuha sa limang tindahan na ilang beses na umanong pinaalalahanan tungkol sa tamang paraan ng pagbebenta ng frozen meat.
Bukod sa tiniketan ang mga nagtitinda, pagpapaliwanagin na rin sila dahil sa paulit-ulit nilang paglabag.
Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang mga namimili na suriing mabuti ang mga binibiling frozen meat.-- FRJ, GMA News