Pumalag sa mga pulis at nagbasag ng bote ang isang babae matapos sitahin dahil walang naipakitang vaccination card sa isang checkpoint sa Taguig.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, ibinalibag pa ng babae ang mikropono ng isang mamamahayag na nasa “no vaccine, no ride” checkpoint.
“Bakit, it is my right not to have the vaccine, bakit niyo ako hinahanapan ng vaccine [card]," giit ng babae. "Ayaw ko, it is my own will. Wala nga ako, bumili ako ng pagkain, hindi pwede?”
Bukod sa babae, dalawa pang lalaki ang hindi pinayagan na makasakay sa public utility vehicles (PUVs) sa checkpoint dahil wala ring vaccine card.
Isang shuttle naman ang nakaabang para ihatid sila sa kani-kanilang barangay.
Samantala, nilinaw naman ni presidential spokesperson Karlo Nograles na walang inilalabas na vaccination exemption cards.
Sa halip, paiigtingin pa ang kampanya sa pagbabakuna tulad ng paglulunsad ng mobile vaccination drive kasama ang Department of Transportation at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Kabilang dito ang pagkakaroon ng vaccination sites sa PITX terminal, mga estasyon ng tren, pantalan at toll ways. -- FRJ, GMA News