Arestado ang apat katao na nasa likod umano ng "hacking" na nambiktima ng ilang may account sa BDO Unibank Inc. nitong Disyembre.
Ayon sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras nitong Huwebes, dalawa sa naaresto ay Nigerian nationals. Nahuli ang dalawa sa Pampanga.
"Ang involvement nila is to synchronize 'yong movement ng members ng group. Ino-open nila ang account, sila ang nagpapa-falsify ng mga dokumento tapos 'yong mga downloaded amounts o downloaded cash, sila ang nagko-consolidate from different downloaders at sila rin ang nagbibigay ng payoff," ani Vic Lorenzo, hepe ng NBI Cybercrime Division.
Samantala, ang dalawa pang suspek naman ay naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Pasig City at Manila. Isa sa kanila ang sinasabing gumawa ng computer program na ginamit sa hacking.
Kasalukuyang iniipon ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga ebidensiya laban sa apat bago ang pagsasampa ng reklamo.
Wala pang pahayag ang BDO hinggil sa pangyayaring ito. —KBK, GMA News