Dahil nagkakaubusan sa mga botika ang paracetamol, ilang tao ang napipilitang bumili sa kung saan-saan at kung mamalasin, peke pa ang gamot na mabibili nila.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing isang lalaki sa Caloocan ang napabili ng paracetamol sa nakita niyang nagbebenta ng gamot na sakay ng motorsiklo.
Pero sa halip na gumaling, namantal ang kaniyang katawan.
Matapos niyang ireklamo ang insidente, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa Caloocan at naaresto ang nagbebenta ng gamot na lumitaw na mga peke pala.
Nakita kasi sa kahon ng mga nakumpiskang gamot na peke ang lot number at security marks, na patunay na hindi ito galing sa tunay na kompanyang gumagawa ng naturang brand ng gamot.
Napag-alaman na ang naturang mga gamot ay na-o-order online mula sa isang supplier. Para matunton ang supplier, nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nakumpiska sa nagdeliber ang nasa P100,000 halaga ng paracetamol.
Pero paliwanag ng naaresto, taga-deliver lang siya at hindi siya ang supplier ng gamot.
"May botika nga siya sabi naman niya sa akin wala naman daw safe naman daw," ayon sa naaresto.
May isasagawa pa raw na operasyon ang mga awtoridad tungkol sa mga pekeng gamot. Pinayuhan din nila ang publiko na sa mga lehitimong drugstore lang bumili ng gamot.—FRJ, GMA News