Hindi ang pasaherong lalabag sa “no vaccination, no ride” policy ng Department of Transportation (DOTr) sa pampublikong transportasyon ang mapapatawan ng multa kung hindi ang driver at operator ng sasakyan, ayon sa isang opisyal. Gayunman, hindi pa rin lubos na lusot ang pasahero.
Sinabi ni DOTr Road Transport Sector Assistant Mark Steven Pastor, na maaaring maparusahan ang mga driver at operator sa ilalim ng Article I, Section J ng Joint Administrative Order No. 2014-01.
“Ang fines magsisimula sa P1,000 hanggang P10,000 depende kung pang ilang paglabag sa ating polisiya,” ani Pastor.
“Maaaring ma-suspend ang prangkisa depende sa gravity ng offense na kanilang na-commit,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi naman ni DOTr Undersecretary for Legal Affairs and Procurement Reinier Paul Yebra, na hindi kasi sakop ng Department Order No. 2022-001 ang mga pasahero kaya hindi sila mapapatawan ng multa.
“Para sa mga magba-violate ng ‘no vaccine, no ride,’ linawin natin ‘pag pasehero po, sa Department Order, wala tayong penalty doon kasi hindi po ‘yun saklaw ng Department of Transportation,” ayon kay Yebra.
Pero puwede pa ring maparusahan ang pasahero kung mayroong hiwalay o sariling kautusan na umiiral ang lokal na pamahalaan tungkol sa paglilimita sa galaw ng mga taong hindi pa bakunado ng panlaban sa COVID-19.
“Ang range po niyan nasa P500 up to P5,000. ‘Yung iba naman po may kasamang imprisonment ranging from five days to six months,” ani Yebra.
Ipinaliwanag din ng opisyal na hiwalay ang parusa ng LGU ordinance sa pinapatawan ng parusa sa ilalim ng Republic Act No. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
“Doon kasi pine-penalize ang non-cooperation na tinatawag at ang penalty doon ay merong fine from P20,000 to P50,000 at imprisonment of one month to six months,” sabi pa ni Yebra.
Paalala rin ni Yebra, may parusa sa Revised Penal Code sa mga pekeng COVID-19 vaccination cards na ang multa ay aabot sa P1 milyon at kulong ng anim hanggang anim na taon.
Sa Department Order No. 2022-001 ng DOTr, hindi maaaring sumakay sa mga pampublikong transportasyon ang mga wala pang bakuna ng COVID-19 vaccines dahil na rin sa mataas na kaso ng hawahan g virus sa Metro Manila.--FRJ, GMA News