Sa halip na sa quarantine facility, sa isang condo building sa Taguig umano nagpahatid ang isang balikbayan na babae na nagpamasahe pa matapos na sunduin sa airport, ayon sa isang taxi driver.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA news “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing nagsumite ng sinumpaang salaysay ang taxi driver na sumundo sa balikbayang babae na binansagang "massage girl."
Dumating ang babae sa Pilipinas noong umaga ng December 22 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Ayon sa taxi driver, sa Taguig condo nagpahatid ang balikbayan kasama ang mga bagahe nito sa halip na sa hotel para sa kaniyang mandatory quarantine.
Nagpasabi pa umano ang babae na balikan siya sa hapon para dalhin siya sa quarantine facility sa Makati. Pero kinahapunan, sinabi umano ng babae na kinansela na niya ang booking sa quarantine facility.
Ayon naman sa abogado ng balikbayan, handa ang kaniyang kliyente na panagutan ang kaniyang ginawa. Maghahain din umano ito ng counter affidavit.
“My client came from a 13-hour flight she had to wait for two hours for her to be pick up. Siyempre may regulasyon and then may magsasabi sa kaniya hindi ginagawa naman po dito.. ganun ganyan puwede naman po ganyan of course that state your vulnerable you will not know the proper regulation if the people around you is saying okay lang yan ano gagawin mo,” paliwanag ni Atty. Marvin Aceron, abogado ng balikbayan.
“Wala siyang evil intention na ikalat yung sakit na 'yan or what in fact negative po siya eh,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na salungat ang sinasabi ng balikbayan sa mga ebidensiya na kanilang nakakalap.
“Actually, ang hawak po nating ebidensya ay talagang mula nung dumating siya ay wala siyang intensyon mag-quarantine at i-divert ang kaniyang biyahe. Dahil ang sinakyan niya... hindi siya sumakay sa designated transportation na dapat magpahahatid siya,” ayon kay Atty. Bernard Dela Cruz, hepe ng NBI Special Action Unit.
Sinabi rin umano ng balikbayan sa taxi driver na nakompleto na niya ang mga rekisito sa Bureau of Quarantine (BOQ), at exempted siya sa mandatory quarantine.
“Malinaw po na hindi niya tinupad yung pinirmahan niya sa airport na undertaking at orientation sa kaniya, hindi niya sinunod,” sabi ni Roberto Salvador, deputy director ng BOQ.
Inaasahan na isasampa ng NBI ang reklamo laban sa balikbayan sa susunod na linggo.
Sinabi naman ni Interior Secretary Eduardo Año na nagsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa insidente.
--FRJ, GMA News