Patay ang isang street sweeper sa Caloocan City matapos pagsasaksakin umano ng kaniyang pamangkin, ayon sa ulat ni Corinne Catibayan sa Unang Balita nitong Martes.

Kinilala ang biktima na si Art John Mijares, na nakitang duguan at wala nang buhay sa Talakitok Street sa Barangay 22 pasado hatinggabi.

Ayon sa kinakasama ni Mijares, mismong pamangkin ng biktima ang nasa likod ng krimen. Kinilala ito bilang si Jeff Amigan, 20 anyos, na tumakas matapos ang pananaksak.

Batay sa impormasyon, nagtalo ang suspek at ang biktima bandang 11 p.m. nitong Lunes na nauwi sa saksakan. Hindi naman malinaw kung ano ang ugat ng alitan ng dalawa.

"Hindi ko alam kung bakit sila nagtatalo," anang kinakasama ni Mijares na si Roselle.

Patuloy ang follow-up operations ng mga pulis para matunton ang suspek. —KBK, GMA News